Ang Diyos ay ang nag-iisang totoo at buhay na Diyos magpakailanman na nagpahayag sa tatlong persona, Ama, Anak at Banal na Espiritu; at Siya'y Espiritu, walang katapusan, walang hanggan, at di-nagbabago sa Kanyang pag-ibig, habag, kapangyarihan, karunungan at katuwiran. (Isaias 45:22; Mga Awit 90:2; Juan 4:24; 2 Corinto 13:14)
Ang Panginoong Jesu-Cristo ay ang Anak ng Diyos; na nagkatawang-tao sa pamamagitan ng Kanyang birheng kapanganakan; na Siya'y sakdal maging sa Kanyang pagiging Diyos at sa pagiging tao; na Kanyang ginustong ihandog ang Kanyang buhay bilang ang sakdal at sapat-sa- lahat na pagpapakasakit ng Kanyang akuin ito dahil sa mga kasalanan ng tao; na dahil sa Kanyang pagtubos ang tao ay makalalaya na mula sa parusa, bigat at mga epekto ng kasalanan; na Siya'y muling nabuhay sa Kanyang pisikal at niluwalhating katawan at Siya ay nakaluklok sa Langit, upang maging tagapamagitan para sa mga mananampalataya; at Siya'y muling babalik sa Kanyang niluwalhating katawan upang itatag and Kanyang kaharian. (Mateo 1:18-25; Juan 1:14; Colosas 1:13-18; 1 Pedro 2:24; Lucas 24; Hebreo 4:14; Mateo 25:31-46)
Ang Banal na Espiritu ay kapantay ng Diyos Ama at ng Diyos Anak sa lahat ng katangian ng kadiyusan; Siya ang gumagawa ng himala ng bagong kapanganakan sa lahat ng tumatanggap kay Cristo at nananahan ngayon sa mga mananampalataya; Siya rin ang nagtatatak sa kanila para sa araw ng pagtubos; Siya ang nagbibigay ng kakayanan sa kanila para sa gawain; Siya ang nagkakaloob ng mga kaloob ng biyaya (mga kaloob ng Espiritu) para sa pagpapalakas ng katawan ni Cristo. (Efeso 4:30; 1 Corinto 6:19; 12:4, 7, 12-13; Mga Gawa 1:5; Tito 3:5)
Ang katotohanan ay ganap at may katiyakan. Ang katotohanang tumutubos ay malinaw na ipinapahayag sa Mga Kasulatan ng Luma at Bagong mga Tipan, na siyang nakasulat na kapahayagan ng Diyos sa tao, at kinasihan ang bawat salita at walang anumang kamalian sa mga orihinal nitong manuskrito. Ang Biblia ang pinakamataas at pinal na awtoridad sa lahat ng mga aspeto ng pananampalataya at pamumuhay. (Mateo 5:18; 2 Timoteo 3:15-17; 2 Pedro 1:20-21)
Ang Simbahan ay ang pinag-isang katawan ni Cristo sa lupa na nabubuhay para sa pagsasama-sama, pagpapalakasan, at pamamahayag ng ebanghelyo sa lahat ng mga bansa sa pamamagitan ng Crisityanong pamumuhay at pagpapatotoo. (Mateo 28:19-20; Mga Gawa 1:5-8; 2:41-42; 1 Corinto 12:13)
Ang tao ay nilikha sa wangis ng Diyos, subalit dahil sa kasalanan ni Adan ay nawalay sa Diyos at tumanggap ng walang hanggang kaparusahan. Ang tanging lunas sa kalagayan ng tao ay ang kaligtasan sa pamamagitan ng personal na pananampalataya sa persona at ginawa ni Jesu-Cristo. (juan 3:15-18; Efeso 1:7; Roma 10:9-10)
Tunay ang may hangganang mga espirituwal na nilalang, kabilang na riyan ang mga anghel, mga nagkasalang anghel at mga demonyo. Si Satanas, ang lider ng mga nagkasalang anghel, ay ang lantad at hayag na kaaway ng Diyos at ng tao, at ibubulid sa Lawa ng Apoy. (Hebreo 1:4-14; Jude 6; Mateo 25:41; Apocalipsis 20:10)
Magkakaroon ng pisikal na muling pagkabuhay ang mga ligtas at di-ligtas; Ang mga ligtas ay mapupunta sa buhay na walang hanggan, at ang mga di-ligtas ay mapupunta sa walang hanggang kaparusahan. (1 Corinto 15; Daniel 12:1-2; Juan 5:28-29; 2 Tesalonica 1:7; Mateo 5:1-10)